3,200 ANDROID TABLETS IPINAGKALOOB SA MGA ISKOLAR NG ANGELES CITY
Ibinigay ni Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin, Jr. ang 3,200 android tablet sa City College of Angeles (CCA) bilang tulong sa pag-aaral ng mga iskolar sa gitna ng pandemya.
Gagamitin ang mga tablet sa online classes ng mga bata at ibabalik sa pagtatapos ng Academic School Year 2020-2021.
Tinanggap ni CCA President Richard Daenos ang mga tablet noong November 3 sa City Library.
Kasama ni Mayor Lazatin sa turnover ng mga tablet sina Mayor’s Office Record’s Section Head Jermaine Jam Aguila, Information and Communication Technology Division Officer-in-Charge Michael Lising, at Mayor’s Office staff Anne Salonga.
Kabuuang 15-milyong pisong halaga ng tablet ang inilaan para sa CCA bilang bahagi ng transition tungo sa new normal.
Ayon kay Mayor Lazatin walang sinumang kabataan ang maiiwanan sa programang pang-edukasyon ng lungsod.
Bukod sa mga tablet, sinosolusyunan din ng lungsod ang kawalan o hirap ng internet connection ng ilang mga mag-aaral.
Nakipag-ugnayan ang pamahalaang panlungsod sa ilang internet service provider sa siyudad upang mabigyan ng mabilis at libreng internet access ang mga iskolar.
May 772 satellite units na nagkakahalaga ng 20-milyong piso ang inilalagay sa buong lungsod para sa libreng internet connection na kanilang magagamit sa pamamagitan ng internet access cards.
Nauna dito, bumili na ng 55,000 tablets ang lungsod para sa mga estudyanteng nasa Grade 4-12 at 2,997 naman para sa mga guro sa 53 pampublikong paaralan sa Angeles.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa 21,945 ang kabuuang bilang ng tablet na naipamahagi sa iba’t ibang paaralan.
Comments
Post a Comment