OFW HOSPITAL ITATAYO SA PAMPANGA
Inumpisahan na ngayong araw ang konstruksyon ng kauna-unahang Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital sa bansa nito lamang ika-20 ng Nobyembre.
Sa ginanap na kick-off ceremony, nilagdaan na ng Department of Labor and Employment (DOLE) at pamahalaang panlalawigan ang deed of usufruct para sa dalawang (2) ektaryang lupain sa PEO Compound, Sindalan, siyudad ng San Fernando na pagtatayuan ng naturang 100-bed capacity na ospital.
Nagbigay ng P500-M ang Bloomberry Cultural Foundation, Inc. para sa mga gastusin sa pagpapatayo sa OFW Hospital, P300-M naman ang ibinigay ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para sa pagbili at instalasyon ng mga kagamitang pang-medikal, at lupang nagkakahalaga ng P500-M naman ibinigay ng pamahalaang panlalawigan ng Pampanga para maisakatuparan ang proyektong ito na layong bigyan ng libreng serbisyong medikal ang mga OFW at kanilang mga pamilya.
Kasama sa mga dumalo sina Presidential Spokesperson Harry Roque, DOLE Secretary Silvestre Bello, III, Department of Health (DOH) Usec. Lilibeth David, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, PAGCOR Chief Executive Officer Andrea Domingo, Vice Governor Lilia “Nanay” Pineda, at iba pang stakeholders.
-
Mga larawang kuha ni Jun Jaso / Pampanga PIO
Comments
Post a Comment